Wakas na nga ba?

Wakas na nga ba?

 


Kung lahat may hanggan
Pakiusap 'wag mo 'kong sukuan
'Di ba pwedeng balikan ang mga pangako sa 'ting nakaraan?
Iyo bang nalimutan

Na-release ang bagong awitin na ito ng SB19 sa panahong pinag-iisipan ko ang mga bagay na gusto kong gawin at ang mga bagay na gusto ko nang tigilan. Kasi nga may mga bagay na kailangan nating iwan o tapusin na para makasulong at makapagsimulang muli. 

Hindi ko naman akalain na ang pakikinig sa awiting ito ay magdudulot sa akin ng kakaibang emosyon. Naroroon na kasi ako sa pagsuko, ngunit para bang kinakausap ako ng awiting ito na… maaari pa ring magpatuloy sa kabila ng mga pinagdaraanan.

Maraming maaaring iugnay sa awiting ito, tulad ng magkasintahan. Maaari rin sa pagkakaibigan, sa mga bagay na gusto nating iwan at tuluyang tapusin. Alam naman nating may hangganan ang lahat, tulad ng buhay natin, ngunit kung minsan may mga bagay pa rin tayong gustong kapitan kahit pa nakikita na nating may katapusan ang mga ito. 

Sa awiting ito, tila ba kinakausap ako at sinasabihang sumugal pa rin kahit na tila mahirap at pinanghihinaan ng loob. Kumapit pa rin, magpatuloy, at magpursige sapagkat mararating din ang patutunguhan. 

Sa paulit-ulit kong pakikinig sa awiting ito, paulit-ulit ding hindi ko maipaliwanag ang aking nadarama. Iba't ibang emosyon ang bumabalot sa akin at hindi ko na mapigilan ang patak ng luha sa aking mga mata. Minsan, tinatawanan na lang ako ng mga nasa paligid ko. 

Magsisimula akong nakangiti sa simula ng awitin, pero habang tumatagal, lulukuban na ako ng mga hindi ko maipaliwanag na damdamin. Maraming naglalaro sa isip ko: mga alaala, mga naramdamang hindi maipahayag, mga pagkabigo, at mga hinahangad na ang hirap abutin. Naroon din ang mga what if. 

Siguro dumarating din talaga sa ganoong panahon na bumabalik lahat ng mga nangyari sa buhay natin, at pinag-iisipan natin kung nagawa ba natin nang tama. Mga desisyon na kung naiba man, ay maiiba ba ang mga bagay-bagay.  Mga taong nakasalamuha natin at binigyan natin ng pagkakataong maging bahagi ng buhay natin, na para bang hindi mo na sila kilala ngayon. Mga pinahahalagahan nating malalapit sa atin na isa-isang nawawala. Umaalis o kaya naman sumasakabilang-buhay na.

Mapapaisip ka na lang na ganoon lang kadali dumating ang wakas. Ganoon lang kadali magbago ang panahon. At ang pag-usad ay tila pagtatanong kung naging makabuluhan ang lahat ng ginawa natin? Naging masaya ba? Naging kapaki-pakinabang ba ang paglalakbay… ang pakikisalamuha?

Alam natin na ang mga masasaya at magagandang bagay ay ninanais nating walang katapusan, ngunit hindi ganoon ang buhay. May mga pagsubok na kailangang suungin at sa mga pagsubok na ito, doon tayo binibigyan ng pagkakataong magdesisyon. Magpatuloy o wakasan na. 

Minsan, ang pagkapit at pagpapatuloy ay nakatuon sa pagpapanatili natin ng mga bagay na nasa atin, kahit pa hirap na hirap na tayo sa bigat. Ginugusto nating kumapit at may kapitan sa kabila ng mga pasakit at mga lihim na hikbing kumakawala sa atin sa gabi. Kasi naroon ang pagpapahalaga at pagmamahal natin. Pinipilit nating panghawakan ang tagal ng pinagsamahan. Mga pangarap na ginusto ninyong abutin. Mahirap bumitaw sa mga ganitong sitwasyon o bagay. 

Ngunit nakakapagod, kaya minsan kinakailangan din nating piliin ang sarili natin. Ang hirap magpatuloy kung dala-dala ang bigat at para bang mag-isa ka na lang kahit sabay naman itong pinangarap at pilit na inaabot. Hindi naman siguro kalabisan na piliin ang pansariling mga nais at bumuo muli ng mga pangarap. Dahil sa bawat pagtatapos ng isang yugto ng buhay natin ay pagsisimula ng panibagong mga pagkakataon. 

Hindi naman ito nangangahulugang lilimutin natin ang nakaraan. Maganda man o hindi ang mga ito dapat nating tingnan ang naging tulong nito sa atin. Tinuruan tayo nito ng maraming bagay. Katatagan, kaligayahan, pangangarap. 

Lahat ng pagwawakas ay nagdudulot ng iba't ibang emosyon. Kaya hindi madaling magpaalam dahil kahit masaya naman ang tagpo, nandoon pa rin ang kirot. 



Sa awiting ito ng SB19, talagang tumagos sa akin ang mga titik nito, sinabayan pa ng mahusay na melodiya. Iba rin talaga silang gumawa ng mga awitin nila sapagkat talagang madarama ang emosyon. 

Hindi ko malilimutan noong awitin ito sa WAS concert nila. Natutuwa akong marinig ang awiting ito, pero pinapaiyak din ako. Iyong masarap na iyak. 

Ang lahat may hanggan, Oh!
Walang saysay ang patuloy lumaban
'Di ba, para kang tanga
Kung isasalba mo pa rin ang wala na
Alam kong ubos ka na
Kung lahat may hanggan, Oohh
Pakiusap 'wag mo akong sukuan
'Di na ba mahalaga
Mga binitawan nating salita
Ako man ay pagod na

Mula sa mga linyang iyan ng awit, bigla kong naisip ang mga nais kong gawin at naitanong ko sa aking sarili kung may saysay pa ba ang mga ginagawa ko. Pinag-iisipan kong tigilan na ang blog site ko. Ngunit naisip ko ring isa ito sa mga pangarap ko noon. Gusto kong magkaroon ng sariling website, kaya bakit ko susukuan lalo na kung masaya akong nakikita ito. 

Dumating na rin kasi ako sa puntong, sayang lang naman dahil hindi rin naman ako nakapagsusulat. At muli, gusto ko ring magsulat, kaya bakit ako hihinto? Masyado lang din siguro akong malupit sa sarili ko sapagkat palaging may duda. 

Dapat ko na sigurong tuldukan ang pagdududa sa aking kakayahan. Ang mahalaga ay magpatuloy pa rin akong hawakan ang pangarap na nasa akin.

At ang wakas ay hindi pa darating sa ngayon. (*^_^)


Photo credit: https://cdn.manilastandard.net/wp-content/uploads/2026/08/SB19.png



Walang komento:

×

Translate

Pageview

Latest Posts

Tagasubaybay

Follow me