Mga ipinagbabawal sa panahon ng Kuwaresma

Mga ipinagbabawal sa panahon ng Kuwaresma


Kapag lumaki ka noong mga panahon na napakalaki pa ng impluwensya ng mga pamahiin, maraming bagay ang hindi maaaring gawin kapag dumarating ang Mahal na Araw. Malaking kasalanan ang hindi pagsunod sa mga matatanda at tiyak namang susunod ka dahil sa mga maaaring mangyari sa iyo kapag ginawa mo pa rin 'yung mga sinasabi nilang hindi mo puwedeng gawin.

Bilang isa sa mga kabataang lumaki noong panahon na iyon, narito ang ilan sa mga sinasabing bawal mong gawin kapag sumasapit ang panahong ito.

  • BAWAL MAGLARO. 
Kapag bata ka, pagbabawalan ka ng mga matatandang magtatakbo o kaya nama'y maglaro ng bola. Ayon kasi sa kanila, kapag naglaro ka ng bola ay parang pinaglalaruan mo rin ang ulo ni Kristo. Siyempre, sa takot namin, hindi talaga namin iyon ginagawa at talagang sinusunod namin ito.

  • BAWAL MAGKASUGAT. 
Isa siguro sa mga dahilan kung bakit kami pinagbabawalang maglaro ay para hindi masugatan. Pinaniniwalaan kasi na matagal gagaling ang sugat at aabutin ng taon. Sino ba namang gustong magkaroon ng alagang sugat, di ba? Kaya naman talagang nag-iingat kami nang husto. Sa isang banda, minsan na akong nagkasugat pero gumaling din naman. Sobra nga lang akong natakot sa paniniwalang ito.

  • BAWAL MAG-INGAY. 
Siyempre, ginugunita ang pag-aalay ng buhay ni Kristo para akuin ang kasalanan ng mga tao... hindi nga naman tamang mag-ingay. Makukurot ka talaga sa singit kung malakas na magkukuwentuhan o kaya naman ay magtatawanan. Kaya naman mahina na lamang kaming nag-uusapan.

  • BAWAL MALIGO KAPAG BIYERNES SANTO. 
Kapag sumapit na ang alas-3 ng hapon, kahit init na init ka na, hindi ka na puwedeng maligo ayon sa mga matatanda noon. Tatabingi raw kasi ang mukha mo kapag naligo ka. Gugustuhin ba naming mangyari iyon? Siyempre, hindi kaya hindi na lang kami naliligo o kaya naman, maaga pa ay paligo na kami. Mahirap na baka nga tumabingi ang mukha namin.

  • BAWAL MAGPUKPOK O PAGGAWA NG BAHAY.
Dapat daw na ipagpaliban ang pagkukumpuni ng bahay sa panahon ng Semana Santa. Wala raw kasing Diyos na gagabay at baka may mangyaring di maganda o masaktan. Kaya rin siguro walang pasok ang panahong ito.

  • BAWAL KUMAIN NG KARNE.
Kung hindi ka mahilig kumain ng gulay, tiyak na kaunti lamang ang makakain mo sa panahong ito. Bawal daw kasing kumain ng karne lalo na sa Biyernes Santo. Ito raw kasi ay pagpapakita ng pagsisisi at paggalang sa sakripisyong ginawa ni Hesus noon. Kaya, ang karaniwang ulam ay monggo at pritong gulunggong.

Ilan lamang ito sa mga sinasabi sa amin noong mga bata pa kami na sa ngayon, ilan dito ang hindi na rin masyadong pinaniniwalaan tulad ng paliligo at tungkol sa pagkakaroon ng sugat. Ngunit,  kahit ano pang mga pamahiin at mga pinaniniwalaan noon hanggang sa ngayon, ang mahalaga ay gunitain natin na may tumubos ng ating mga kasalanan.

Magbigay tayo ng panahon na magtika at pagnilayan ang ating mga nagawa at ihingi ito ng kapatawaran. Kung tutuusin, hindi naman mahalaga kung nasusunod mo o hindi ang mga kinasanayang paniniwalang ito tuwing sumasapit ang Semana Santa. Ang mahalaga ay maalala nating humingi ng kapatawaran sa mga nagagawa nating hindi maganda lalong-lalo na sa ating kapwa at magpasalamat sa lahat ng biyayang tinatanggap natin. (*^_^)

*****

Ito ay mula sa pinakauna kong blog at naisip kong ibahagi rin dito. Noong 2016 ko pa ito naipaskil at dahil panahon din ngayon ng Kuwaresma, naisip kong i-edit ay ibahagi dito. (*^_^)


Photo credit: https://pixabay.com 

Walang komento:

×

Translate

Pageview

Latest Posts

Tagasubaybay

Follow me