Panibagong draft na naman...

Panibagong draft na naman...


Isang post pa lang ang naipapaskil ko rito simula nang magpalit ng taon. At kasabay rin noon ang pagsasabi sa sarili na sisipagan ko ang pagsusulat o pagkukuwento ng kung ano-ano, pero heto, tatlong buwan na ang lumipas…patapos na ang Marso, wala pa akong naisunod na post. 

Minsan mahirap din talagang mangako at magbalak ng mga gagawin dahil mas madalas na hindi naman nangyayari. Nagiging bahagi pa ito ng frustration ko dahil hindi ko nga magawa. Nasasayangan ako sa binabayaran ko.  Nasasayangan ako sa mga ideyang pumapasok sa isipan kong hindi ko naman maitala, dala na rin ng iba pang mga gawain.

Napapatanong tuloy ako sa aking sarili kung kailangan ko pa bang ipagpatuloy itong kabaliwang ito. Hindi ko naman nagagawa. Hindi ako makapagsulat. Hindi ko alam kung nawawalan ba talaga ako ng oras o sadyang tinatamad lang. Baka wala na rin akong kakayahan pang magsulat. Nakakatakot isipin na hindi ako nakapagsusulat kahit sa aking dyornal. Wala na yata akong gana.

Mayroon akong 29 drafts na hindi ko pa muling nababalikan para dagdagan o kaya tapusin. Kung itong paskil na ito ay hindi ko ma-publish, pang-30 na ito. Nakakatawa na ang dami kong sinimulan, pero hindi ko matapos. Bukod pa iyong mga naisusulat ko sa mga scratch paper, tissue, resibo, at notebook. May mga pagkakataon din na gusto kong upuan at tapusin nang paisa-isa ang mga ito, ngunit palaging hindi ko naitutuloy. Siguro tinatamad na talaga ako. Ang sipag na hinahanap ko ay di pa dumarating.

Mabuti na lang, may iilang tao akong nakakausap na tila bumubuhay sa kagustuhan kong makapagsulat. Para bang sila ang patuloy na nagbibigay ng langis sa aandap-andap kong ilaw, kung kaya't hindi pa tuluyang namamatay ang pagnanais na sumulat. Naniniwala pa rin silang may kakayahan ako. Binubuhay nila ang kakaunti ko nang pag-asa. Pinalalakas nila ang aking loob na sumubok at magpatuloy.

Sila ang mga taong naniniwala kahit tinatakasan na ako ng tiwala sa aking kakayahan dahil na rin sa pakiramdam ko ay wala na akong maibubuga pa. Nakatutuwa ako na sa kabila ng mga negatibo isipin na dumadaan sa isipan ko ay naroroon silang naghihintay na may maisulat akong muli. May interes na mabasa ang mga ginagawa ako. May pagnanais na matupad ko ang pangarap na pagkakaroon ng sariling aklat at kakikitaan ng pagmamalaki sa mga nagawa ko na. 

Kaya naman, nagpapasalamat ako sa mga taong ito na kahit napapaisip akong talikuran na ang pagsusulat, ayaw pang bumitaw ng puso ko. Kumakapit pa rin... nagnanais pa ring tumipa ng mga salita sa Word docs at magtala ng mga kuwento sa mga kwadernong patuloy kong iniipon. Naghahangad pa rin akong patuloy na maghanap ng mga inspirasyon sa pagsusulat. Malinaw pa rin ang mga karanasang ninanais kong ibahagi sa iba sa pamamagitan ng pagsusulat. Gusto ko pa ring magkuwento. Gusto ko pa ring manatiling kapiling ang mga panulat at papel. 

Hindi pa nga siguro ako dapat tumigil dahil ito ang gusto ko. 

Gusto kong magsulat.

Kaya naman, bagaman iniisip kong magiging bahagi na naman ito ng draft na nakatambak, maganda sigurong tapusin ko ito at hindi mag-alinlangang ipaskil ito at mabasa ng iba. Iyon naman ang gusto ko, di ba? Magsulat. At kung magsusulat, magandang nababasa rin ng iba. 

Sige na nga, magpapatuloy na lang akong magsulat. (*^_^)


Walang komento:

×

Translate

Pageview

Latest Posts

Tagasubaybay

Follow me