Nakasakay ka na ba ng swing? Kung OO ang sagot mo, alam mo ang pakiramdam habang pabalik-balik ito at unti-unting pagtaas. Minsan nakakalula pero mas madalas nakatutuwa. Para bang ibabalik ka nito sa iyong pagkabata. 
Isa siguro sa hindi ko malilimutang nasakyang swing ay noong nagtungo kami sa Maples Farm sa Iloilo (2019). Mayroong giant swing doon at nakatutuwang maranasan muli at sumakay sa isa sa mga paborito kong sakyan noon sa palaruan. Nag-enjoy ako nang sobra kahit may pagtili ng konti sapagkat napakataas na ng aking inabot. 
Nitong nakaraan naman na habang nasa Davao City (April, 2025), nagtungo kami sa People's Park at isa sa pumukaw sa akin ay ang palaruan ng mga bata. At ang una kong hinanap ay ang swing. Para akong batang tuwang-tuwa na nagtungo sa swing at sumakay. Muli ko na namang naranasang sumakay sa swing.
At dahil doon, maraming alaala ang nagbalik sa aking isipan. Para bang nag-flashback noong panahong tila walang ibang nagiging problema kundi ang makaunang sumakay ng swing.
At dahil doon, maraming alaala ang nagbalik sa aking isipan. Para bang nag-flashback noong panahong tila walang ibang nagiging problema kundi ang makaunang sumakay ng swing.
Masuwerte akong lumaki sa isang komunidad na may mga palaruan tulad ng see-saw, swing, padulasan at may court din para sa  basketball at volleyball at silid-aklatan. Kaya naman masasabi kong masaya ang kabataan ko.
Ang mga open space ay inilaan talaga para paglagyan ng mga palaruan. Kaya naman, kapag okupado na ang isang pwesto ng palaruan ay nagtutungo lang kami sa iba pang palaruan. Walang gate na kailangang hintayin magbukas basta kapag gusto mong maglaro at mag-swing kahit katirikan ng araw ay available ang mga swing. 
Pinakamalapit na swing mula sa aming bahay ay ang nasa tapat halos ng tanke ng tubig. Doon kariringgan ng mga matitinis na halakhak ng mga batang tulad ko noon. At dahil marami-rami kaming manlalaro, nag-uunahan kaming pumunta doon. Dalawang swing lamang ang mayroon sa bawat palaruan kaya naman, magbibilangan kami ng pagbabalik-balik at magpapalitan ng pagsakay. 
May iba't ibang trick kaming ginagawa kapag sumasakay sa swing tulad ng mga sumusunod:
- Pataasan ng pag-swing.
- Para bang contest. Ituturing kang mahusay at matapang kapag mataas ang pag-indayog ng swing. Kasabay pa noon ang tawanan dahil sa mga biruan at iba pa.
- Palayuan ng talon mula sa swing bilang paraan ng pagbaba rito.
- Ginagawa rin namin itong laro. Winner ang pinakamalayo ang natalon. Masasabi kong mahusay ako sa larong ito. Isa ito sa mga gusto kong ginagawa kapag nagduduyan. Para sa iba nakakatakot pero exciting kasing gawin.
- Mag-swing nang nakatayo.
- Enjoy rin ito. Minsan ay dalawahan ang sumasakay nang nakatayo.
- Pagpapaikot sa swing.
- Wala lang. Nakakahilo pero nakakatuwa. Kapag huminto ang swing, saka tatayo at lalakad upang malaman kung nahilo ba o hindi. Minsan magpapagewang-gewang pa na magiging dahilan ng tawanan.
Nauubos ang aming maghapon sa pagsakay sa mga swing. Nagpapalipat-lipat pa kami sapagkat sa bawat open space sa aming village ay may nakatayong swing, padulasan at see-saw. Inilaan talaga ang open space na iyon para maging palaruan ng mga bata kaya masuwerte kami noon.
Ngunit kung minsan dahil din sa swing, nagkakasugat kami o kaya ay nagsusuka lalo na kapag nalula sa taas ng swing o kaya sa pagpapaikot dito. Pero ganoon pa man, masaya pa rin kami. Masarap maging bata noon. May kalayaang makapaglaro, pagpawisan at makihalubilo ng walang ibang iniisip kundi ang makasakay sa swing o kaya naman ay makapagpadulas.
Sa ngayon, wala na ang mga swing at padulasan sa kinalakihan kong lugar. Naukupa na ang mga bakanteng lupa. Mas mainam sana kung hanggang ngayon ay may palaruan doon para naman hindi puro laro sa cellphone ang inaatupag ng mga kabataan. Iba pa rin naman kasi ang sayang dulot ng may kalaro at kasamang nagtatawanan habang abala sa pag-swing. (*^_^)
 


Walang komento: