Bututoy

Bututoy


Nag-brown-out.

Nawalan ng kuryente sa lugar namin habang nananalasa ang Bagyong Glenda (2014). Tatlong araw na ang lumipas ay hindi pa rin bumabalik. Marahil maraming nasalanta ang bagyong daluyan ng kuryente.

Sa pagkakataong tulad nito, dapat na handa. Sinisiguradong may flashlight, kandila at bututoy.

Tama, bututoy nga ang nakasulat.

Sabi ng asawa ko, gagawa siya ng bututoy para kung sakaling maubos ang kandila at baterya ng flashlight ay mag magagamit pa rin kami. Natawa ako nung una ko itong marinig. Iba kasi ang naisip ko. Isa pa, iba rin kasi ang tawag namin doon.

Pero, ano nga ba ang bututoy?

Ito ay isang ilawang ginagamitan ng gaas (KWF Diksi) o mas kilala sa aming gasera. Sa kanila ko lang talaga narinig ang bututoy kung kaya't tawang-tawa ako.

Ayon sa aking asawa, madalas gumawa ng bututoy ang kanyang lola kaya marunong siya. Isa pa, madaling din naman gumawa.

Eh, paano ba gumawa ng bututoy o gasera?

Narito ang mga kailangan:

  • garapon dapat may takip
  • telang ginupit na pahaba na gagamiting mitsa
  • gaas
  • kapirasong metal sheet 
Mga hakbang sa pagbuo
  1. Butasan sa gitna ang takip ng garapon sapat lamang para sa magiging mitsa.
  2. Gawing makitid na cylinder ang kapirasong metal na kakasya sa butas ng takip.
  3. Ipasok ang tela sa loob ng cylinder at tantyahin ang haba ng nakalabas ng mitsa at siguraduhin sapat ang haba sa loob ng garapon.
  4. Basain ng gaas ang tela. 
  5. Lagyan ng gaas ang garapon at ilagay ang takip na may mitsa at sindihan.
At ayun na nga, may bututoy ka na!

Ang larawan ay mula sa https://www.facebook.com/photo/?fbid=1366010776768141&set=gm.882052255282962



*****
Naisulat ko ang tungkol sa bututoy na ito 2014 pa, sampung taon mahigit na ang nakalipas. At noong mga panahong iyon, madalas na nagkakaroon ng brownout kapag may malakas na bagyo. May kamahalan ang bumili ng mga rechargeable light kung kaya't marami pa ring gumagamit ng bututoy o gasera

Sa ngayon marami nang maaaring magamit kung sakaling mawalan ng kuryento dahil may mga powerbank na at mga modernong kagamitang maaring magamit kung sakali. Kaya naman hindi na advisable na gumamit pa ng bututoy at maging kandila sapagkat mas delikado sa sunog. 

Natuwa lamang talaga ako sa salitang ito na natutuhan ko sa kanilang lugar. (*^_^)

Walang komento:

×

Translate

Pageview

Latest Posts

Tagasubaybay

Follow me