Hindi na alam kung paano magsimula...paano palalawakin ang mga gustong sabihin. Para bang huminto ang lahat at hirap na hirap na magsimula kahit naroon ang pagnanais.
Tila ba nagpupumilit lumangoy kahit na malakas ang alon ngunit patuloy na hinihila papalubog ng daluyong. Kinakapos na ang hininga at para bang hindi na makapaghihintay ng sasagip. Ganoon ang pakiramadam na nadarama sapagkat hindi na makabuo ng mga makabuluhang pangungusap o talata o sulatin kahit pa may mga ideyang sumasagi sa isipan.
Naroon pa rin sa sulok ng isipang makababalik...makapagsisimula...makakaahon sa pagkalugmok sa kawalang gana o katamaran. Masasabing mataas pa naman ang porsyento ng pagnanais na magpatuloy ngunit habang lumalaon para bang pababa nang pababa ito at ang ikinakatakot ay tuluyan itong maglaho.
Tinatanong ang sarili kung may kagustuhan pa bang magpatuloy? Kung may oras pa ba? Kung sisipagin pa ba? Ano ba talaga ang gusto? Kasi kung wala na... hindi ba't mas mabuting itigil na ang kahibangan? Palagi lamang kasi itong gumugulo sa isipan... na para bang kasalanan ang maubusan ng mga salita. Kasalanan sa sariling hindi mapagbuti ang ninanais gawin.
Siguro sadyang pinanghihinaan na ng loob sapagkat paulit-ulit na ang pagsasabing magsisimulang muli ngunit hindi naman nasusundan. O baka naman sadyang mas mataas ang antas ng katamaran sapagkat pagal na ang utak sa trabaho kung kaya't hindi na mabigyan ng pagkakataon ang sariling tumipa ng mga letra.
Gustong isipin na makababalik pa. Gustong isipin na may mailalathala pa. Gustong isipin na makapagpapatuloy pa kahit numinipis na ang pising nagdudugtong sa pagnanais at pagbitaw. Madalas madali lang sabihin magsimula kang muli...pero maraming paglalabanan para makapagsimulang muli. Naroon ang takot na baka hindi maging makabuluhan ang mga maisusulat. Baka hindi na sapat ang kaalaman. Baka hindi na worth it ipabasa pa sa iba.
Nagiging kalaban ng sarili ang sarili mismo sapagkat ang dating tiwala sa sarili ay nawawala na. Inaamin sa sariling may kakulangan na at iyon ang dahilan ng patuloy na pagdududa sa sariling kakayahan. Para bang patuloy nitong pinahihina ang kakayahang makabalik.
Kinakapos man sa mga salita... at sa lakas ng loob na magpatuloy pero naroon pa rin naman ang kagustuhan kahit paano. Pinipili pa ring paglabanan ang pagsuko...tulad ngayon. (*^_^)
Walang komento: