Nakatingala kong pinagmamasdan ang mga pailaw sa langit. Napangiti ako at naalala ko siya. Sigurado akong matutuwa siyang makita ang mga ito at maaring kasama pa siya sa mga mangunguna sa pagpapaputok ngayong bagong taon.
Bagong Taon. Isa ito sa mga pinaghahandaan niyang araw. Namimili siya ng mga prutas upang masunod ang labindalawang bilang nito na dapat na nasa hapag sa pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi. Kaya naman, pipiliting bumili ng iba't ibang uri ng prutas kahit pa-isa-isang piraso tulad ng isang pirasong mangga, maliit ng pinya, maliit ng pakwan, dalandan, ponkan, ubas, chico, saging, mansanas, at marami pang iba. Suwerte raw kasi iyon.
Mamimili rin siya na mga pailaw tulad ng lusis. Dati-rati bumibili siya ng paputok na ang tawag ang five star o 'yung hugis tatsulok. Isa-isa niya itong papuputukin gamit ang katol na nilagay niya sa mahabang patpat para malayo siya rito. Takot din kasi siyang maputukan. Ang lusis naman ay ibibigay niya sa amin para pailawin sa kasagsagan ng putukan sa hatinggabi.
Patutugtugin din niya ang awiting Auld Lang Syne ng paulit-ulit habang sinasalubong ang bagong taon. Nakalabas din ang mga baryang kanyang aalugin at saka ihahagis sa kung saang parte ng bahay at muli ayon sa kanya, suwerte iyon. Kami naman ay bibigyan ng barya para alugin at kasabay niyon ang panghihikayat na tumalon para raw tumangkad pa kami. Kaya naman nakaugalian na naming tumalon tuwing bagong taon sapagkat taon-taon itong pinagagawa.
Noong nakabili siya ng traysikel, pinaaandar niya ito at gagalitin ang makina. Sasabay ang ingay nito sa mga paputok sa himpapawid at mga torotot na hinihipan namin. Kaya labo-labo na ang tunog na maririnig. 'Yung kanta, paputok, sasakyan, torotot at sigawan ng pagbati.
Pagkatapos, magsasalo-salo. Isa sa mga hindi pwedeng mawala sa mesa ay ang keso de bola na gustong-gusto niya at ang ham. Pakukuluan niya nag ham sa pineapple juice at saka hihiwain ng maninipis at iaayos sa plato. Dapat ay may tasty dahil ito ang partner ng ham para sa kanya. Ang mga handang pagkain din ay nakabase sa mga suwerteng sinasabi tulad ng valenciana. Dahil malagkit ang ginamit na sangkap ay magiging mas malapit sa isa't isa ang magkakapamilya. May minatamis para sa matamis na pagsasama. May pansit o kaya spaghetti at may iba't ibang putahe rin. Hindi rin niya kalilimutang maglagay ng ubas sa pinto dahil ayon sa kanya suwerte iyon.
Sa ganoon ko siya naalala sa mga ganitong panahon. Dahil taon-taong ginagawa sa matagal na panahon, nagiging pangungulila ang pag-alala. At ganoon na rin pala katagal ang walong taon. Walong taon nang... wala siya. - Marvie(*^_^)
*****
Ito ang unang entry na nasulat ko para sa Tatlumpu't Isang Araw ng Pag-aalala.
At dahil simula na ng BER months, ngayon ko sisimulan ang pagpapaskil ng mga entry ko sa bawat araw para sa writing challenge na ito noong Enero.
Walang komento: