Dagli: Umuulan

Dagli: Umuulan





Nagising ako sa lakas ng pagpatak ng ulan sa yerong bubong namin. Sinipat ko ang oras sa aking cellphone at alas kuwarto pa lang ng madaling araw. Gusto ko pa sanang matulog ngunit nakakatakot ang mga patak ng ulan na sinasabayan pa ng malakas ng hugong ng hangin. Bigla ring nagliliwanag ang paligid sa tuwing kumidlat at pagkatapos ay dadagundong ang malakas na kulog.

Kahit inaantok ay tumayo na ako't lumabas ng kuwarto upang simulan ang araw. May pasok. Hindi pwedeng ipagpatuloy ang tulog sa kabila ng masungit na panahon. Nagsimula na akong magtimpla ng kape. Kinuha ko na rin ang aking tuwalya. Paiinitan ko muna ng kape ang tiyan ko bago ako sasabak sa pakikibaka sa malalmig na tubig sa banyo.

Ilang minuto akong nakatulala sa tasa ng kape. Nakakapagod ang araw na nagdaan at maganda sana kung mas mahaba pa ang itutulog ko ngayon. Pero kailangang kong pumasok. Kaya naman tumayo na ako't inubos ang kape at saka nag-inat-inat pagkatapos ay matapang na pumasok ng banyo.

Hindi ko na inisip pang magpakulo ng tubig. Sayang ang gas. Sa mahal ng bilihin, makakatipid kung magtitiis akong maligo na malamig ang tubig. Paligong uwak na lang ang ginawa ko bukas na lang ako maliligo ng totoo. Dinaan ko na lang sa hiyaw ang lamig na naramdaman ko sa tuwing magbubuhos. Mas mabuti na rin iyon para hindi ko masyadong maramdaman ang ginaw. Hindi rin naman maririnig ang ingay na ginagawa ko dahil sa mga sunod-sunod na kulog. 

Nang matapos ay agad kong kinuha ang tuwalya at nagmamadali akong pumasok ng kuwarto para makapagbihis na nang tumunog ang aking telepono. Binilisan kong  magbihis bago ko sinagot. Mukhang maaga pa ay may mga kliyente na kami. Parang tulad lang din kahapon.

"Hello?" 

"Papunta ka na ba?" tanong sa kabilang linya.

"Paalis na po." sagot ko

"Bilisan mo at marami na tayong ire-rescue."# 

Marvie (*^_^)

Walang komento:

×

Translate

Pageview

Latest Posts

Tagasubaybay

Follow me