Bawat taon nakatatanggap ako ng mga jounal notebook. Mga bigay ng mga kasamahan at kaibigan o ng mga nakakakilala sa akin na mahilig akong magsulat. Bukod pa doon, mahilig din akong bumili.
Simula second year high school gumagawa na ako ng diary, naikuwento ko na iyon sa isang post ko. (Narito ang LINK) At dahil nga mahilig akong mag-diary, nawili din akong bumili ng notebook or journal. Kung minsan, nag-aabot-abot ang mga ito na hindi ko naman nasusulatan. Natutuwa lang akong makita ang mga ito at ini-imagine na masusulatan ko lahat ito. Pero ayun na nga, mas marami ang blanko lalo pa dahil naging madalang ang pagsusulat ko. Parang kasing dalang ng pagsusulat ko ng blog post.
Ngayong 2023, balak ko na ulit bumalik sa pag-jo-journal. Gusto ko na ulit, magsulat ng mga happenings sa buhay ko. Ngunit napaisip ako kung ... magsimula ba ako sa bagong kuwarderno o ipagpatuloy ko ang lumang journal na sinimulan ko noon pang 2018 na halos hindi man lang umabot sa kalahati?
Maraming pagkakataon na ginugusto ko kong magsulat nitong mga nakaraang mga taon pero parang napakatamad ko. Siguro tamad nga talaga ako. Baka gusto ko lang 'yung ideyang mag-journal subalit kulang sa pagpupursige.
Gusto kong hamunin muli ang aking sarili na magbalik-loob sa pagsusulat ng mga happenings sa buhay ko ngayong taon maliban sa pagpapaskil ng blog post na isa rin sa gusto kong gawin. Natutuwa rin kasi akong basahin ang mga isinusulat ko sa journal lalo na 'yung mga seryoso pangyayari na kapag nabasa ko na sa ngayon, tinatawanan ko na lang. Medyo nasayangan nga lang ako sa mga diary ko noong high school na napilitan kong itapon dahil nga nabasa noong Bagyong Ondoy. Tiyak akong mas nakakatuwa iyong balikan kasi napaka-immature ko pa noon.
Mga Kuwadernong hindi ko pa nasusulatan at matagal nang nakatago. Binili ko ang iba at ang iba naman ay bigay. |
Sa panahon kasing mas madalas na akong nakaharap sa laptop, para bang kinatamaran ko na ang pagsusulat. Syempre, mas mabilis kung nagta-type kaysa handwritten. Pero, iba kasi ang dating ng sulat kamay. Mas may feelings na involve...kung nilagyan pa ng disenyo ramdam 'yung effort. Isa pa, nakakatuwa ring napupuno ang isang kuwaderno ng mga pangyayaring sinulat o kahit anong bagay na mula sa iyo mismo.
Kaya para sa taong ito, muli akong magsisimulang mag-journal. Gusto kong makapuno muli ng kuwadernong naglalaman ng aking mga saloobin, pangarap, mga hinaing at marami pang ganap sa buhay.
Kayo ba, may journal din ba kayo? Sa mga mayroon, ipagpatuloy niyo iyan. Sa mga wala, baka gusto mong subukan. (*^_^)
Walang komento: