Malamig ang ihip ng hangin sa papatapos na buwan ng Enero. Maririnig pa ang pagaspas ng mga dahon ng punong Mangga at Cacao sa bakuran. Kasabay ng panonoot ng lamig sa aking katawan kahit makapal ang jacket na suot ay dama ko rin ang lamig na dulot ng papasok na buwan ng Pebrero sa puso ko.
Kung maari lang na laktawan ang buwang susunod ay ginawa ko na. Hindi ganoon kadali ang magpatuloy ngunit kailangang humakbang. Kailangan magpatuloy kahit naiiwanan ang isang bahagi ng pagkatao sa nakaraan. Sapagkat gustong panatilihin ang alaala. Ninanais pa rin manatiling buhay sa alaala ang lahat.
Wala sa plano ang lumimot subalit ikinakatakot ng puso't isipan na baka maging mababaw na lang ang pagpapahalaga. Baka nga makalimot. Baka makalimutan ang paraan ng iyong pagngiti, pagtawa, gigil at pagpipigil na magalit. Baka hindi na maalala ang pakiramdam ng pagyakap at paghalik sa noo. Baka hindi na maging buhay ang boses sa alaala.
Sa sobrang lalim ng pinadamang pagmamahal, alam kong mahirap itong makalimutan. At alam sa sariling hindi dapat limutin sapagkat dito nag-ugat kung ano ako ngayon. Mula sa mga prinsipyo at pag-uugali tama nga silang sinasabi na may pagkakatulad tayo. Ipinapalagay kong kapiling ka sa tuwing humaharap sa salamin sapagkat kuhang-kuha ko ang hubog ng iyong mukha, kulay ng balat, tekstura ng buhok, at maging sa mga hugis ng ating mga paa. Pinagbiyak na bunga nga raw tayo, di ba? Kaya paano kita lilimutin?
Sabi ko nga, mananatili kang buhay sa puso't isipan. At sa mga sandaling sumasagi ka sa isipan, nagiging takbuhan ang mga kagamitang pag-aari mo na nasa akin na ngayon.
Kahit luma na at umaangat ang suwelas ng tsinelas mo, ito pa rin ang gusto kong gamiting pambahay. Kahit pa malaki ang sukat nito sa aking paa. Kapag nakadarama ako ng pangungulila, nariyan ang iyong t-shirt at long sleeves polo na yumayakap sa akin lalo na kapag malamig ang panahon tulad ngayon. Naitabi ko rin ang mga maiikling mensahe mo para sa 'kin tungkol sa mga ginupit na mga artikulo sa dyaryo na iniisip mong magugustuhan ko. Itinabi mong string ng gitara na sa palagay mong magagamit ko pa. Ang text message mo na bumabati sa aking kaarawan.
Marami namang paraan para alalahanin ka... para maramdaman ang iyong presensya. Nariyan din ang ilang naitabing mga maiikling bidyo at maraming larawan. Pero iba pa rin sana kung nandito ka. Sana hindi ka agad umalis. Marami pa sana tayong pwedeng gawin. Naipasyal pa sana kita tulad ng pagsama mo sa amin noon sa mall. Nakain pa sana natin mga bet mong pagkain. Naipabasa ko rin sana sayo ang mga bago kong nabiling mga aklat. Kaya nga lang, lumisan ka.
Nagpatuloy na ako...kami dahil iyon ang tamang gawin. Ngunit tuwing matatapos ang Enero parang binabalot ako ng kalungkutan sapagkat parang bumabalik ako sa simula kung paano magpapatuloy. Ganoon naman yata talaga...malulungkot muli babalik ang nakaraan ngunit mas madali na ang pagpapatuloy hanggang sasapit na muli ang Pebrero.
Kaya ngayon, muli kong nararamdaman ang lungkot. Yakapin mo na lang ako sa pagtulog ko para ibsan ang nararamdaman ko. Alam kong binabantayan mo kami at sana nakikita mo ang mga maliliit na achievements na gusto ko sanang masaksihan mo.
Mananatili ka sa puso't isipan ko... kahit pa pumuti na lahat ng buhok ko. At mga masasayang alaala na lamang ang titingnan ko dahil mas gusto kong alalahanin iyong mga pang-aalaska mo sa akin, halakhak at masuyo mong yakap. Mahal na mahal kita, 'Tay. (*^_^)
Walang komento: