Gusto kong mag-fine arts

Gusto kong mag-fine arts




"Ti, suportahan taka." 

Ito ang pamosong linya na sinabi ng isang ama sa kanyang anak matapos nitong sabihin na magsi-shift na siya sa fine arts dahil hindi niya gustong maging doktor, mula sa 2001 TV commercial ng PLDT NDD.  Tumatak ito sa mga tao dahil na rin sa mensahe ng komersyal at sa paraan ng pag-uusap ng mag-ama.

Nakapagtapos na ako sa kolehiyo nang umere ang komersyal na ito na nagpaalala ng kursong gusto ko sanang kunin. Gusto ko sanang kumuha ng kursong fine arts subalit wala namang ganitong kurso sa unibersidad na papasukan ko at isa pa, hindi rin ito sinang-ayunan ng aking ina dahil sa magastos daw ito kaya ibang kurso ang natapos ko.

Isa sa mga dahilan kung bakit gusto ko ang kursong ito ay dahil nawili akong gumuhit. Mga anime o cartoon character na sa palagay ko noon na magandang simula para matutuhan ang kurso. Sa palagay ko rin, may kakayahan naman akong magpinta.

Malapit lang rin siguro talaga ako sa iba't ibang likhang sining at mataas ang antas ng pagpapahalaga ko rito. At dahil katapusan na ng Buwan ng Sining (Pebrero), naalala ko ang mga iginuhit ko noon. Ilan sa mga gusto kong iguhit ay mga karakter sa paborito kong anime na Ghost Fighter (Yuyu Hakusho)

Narito ang ilan sa mga iginuhit ko noon na naitabi ko:

  • Ghost Fighter (Yuyu Hakusho)
                Fan ako ng palabas na ito noon kaya naman sila ang karaniwan kong iginuguhit. Si Eugene (Yusuke Urameshi) ang paborito kong karakter sa anime series na ito subalit mas gusto ko ang kinalabasan ni Jericho (Koenma) sa mga naiguhit ko. 






  • Seven Dwarfts (ni Snow White)
                Natuwa lang ako sa mga itsura nila kaya iginuhit ko sila. Trivia: Iginuhit ko ang ilan sa mga iyan habang nakasakay sa jeep pauwi galing sa PUP. Ginagawa ko lang iyon kapag sa unahan ng jeep ako nakaupo kasama ang aking kaklase.











  • Sailor Moon Character
                Isa rin sa pinapanood ko noon itong Sailor Moon. Gusto ko sana silang iguhit lahat kaya nga lamang tatlo lang ang kinaya ng powers ko pilit na pilit pa ang isa kaya hindi ko na isinama. Alam ko, kailangan ko pang magsanay noong panahong iyon. Kung sabagay hanggang ngayon naman. 😁





  • Archie and Friends
                Kinawilihan ko ring magbasa ng komiks at isa ito sa pinagkakaabalahan namin noon. May mga pagkakataon na nakikipag-swap pa kami ng kopya sa mga kaibigan namin.




  • Dragon Ball Z
                Mga mabilisang drawing  ko noon dahil gusto kong maging kakaiba ang itsura ng aking binder (ibang kuwento naman ang tungkol dito). Sa murang isipan ko noon, ang ganda-ganda ng ginawa ko. 😁




Marami pa akong sinubukang iguhit. Pagguhit ng mukha ng paborito banda (Hanson) kaya lang di ko kinaya, paggaya sa mga logo ng paborito kong banda o kaya pelikula noon, at marami pang iba. Minsan naiisip ko kung siguro iyon ang kinuha ko, marami na akong kayang iguhit at ipinta ngunit nakagagawa pa rin naman ako ng ibang may kaugnayan sa sining.

Ganoon naman siguro talaga, minsan may mga bagay tayo na ginugusto natin pero hindi natin nakukuha dahil may mas magandang bagay palang laan para sa atin. 

Gumuguhit pa naman ako paminsan-minsan kaya lang hanggang doon pa rin sa paraan ng pagguhit ko dalawampu't taon na ang nakaraan. Ayaw ko pa rin namang bumitiw sa kagustuhan kong gumuhit at magpinta kaya nga lamang mahirap pagsabay-sabayin ang lahat ng gusto natin. Kaya naman, isa-isa lang muna.

Para sa mga mahihilig gumuhit o kaya nama'y magpinta, masuwerte kayo sapagkat sa panahon ngayon mas nabibigyan ng pagpapahalaga ang mga katulad ninyo. Binibigyan na ng pansin at nasusuportahan hindi tulad noon na mababa ang pagtingin. Kaya kung hilig mo iyan, ti suportahan taka

*****
Sa ngayon, mahilig din sa arts ang anak ko at ang unang larawan sa paskil na ito ay gawa niya. 😍
Marvie (*^_^) 

Walang komento:

×

Translate

Pageview

Latest Posts

Tagasubaybay

Follow me