Napabalikwas siya sa katok at boses ng kanyang ina sa pinto ng kanyang kuwarto.
“Jhun, gising na! Baka mahuli ka na naman!” sabi nito saka tatlong beses pang kumatok.
Inabot niya ang kanyang telepono at nakita niyang alas-4 pa lang.
Gustong-gusto pa niyang matulog pero kailangan na niyang bumangon para hindi mahuli sa trabaho. Dati-rati alas-6 siya naghahanda para sa pagpasok pero dahil sa trapik mas inagahan na niya’t palagi siyang nahuhuli.
Tuluyan na siyang umupo at muling tiningnan ang telepono. Binuksan ang data ng kanyang telepono at saka nag-scan ng kanyang fb habang nag-iinat-inat. Binuksan din niya ang kanyang twitter account.
“Yes! Maaga ako ngayon!” post niya sa twitter. Napangiti siya. Naisip niyang magandang senyales ito dahil Lunes. Natuwa rin siyang isiping buo ang sasahurin niya ngayong araw dahil hindi siya male-late.
Tumayo na siya at kinuha ang kanyang tuwalya saka dumiretso sa banyo paglabas ng kuwarto. Binilisan lang niya ang paliligo dahil na rin sa lamig ng tubig mula sa gripo kaya naman wala pang limang minuto ay nakalabas na siya ng banyo.
Sinalubong siya ng amoy ng tuyong piniprito ng kanyang ina mula sa kusina. Paborito niyang almusal ang tuyo pagkatapos ay isasawsaw sa suka. Karaniwan na itong hinahanda ng kanyang ina sa almusal ka-tandem ang pritong itlog at sinangag. Iyon nga lang, hindi na niya magawang makakain dahil na rin sa naghahabol na siya ng oras tuwing umaga.
Pero iba ang araw na ito, maaga siyang nagising at natutuwa siyang isipin na makakakain na siya ng almusal na hinanda ng kanyang ina. Agad na siyang dumiretso sa kuwarto at nagbihis, nagsuklay at nagpabango na rin. Lalabas na siya ng kuwarto nang muling kumatok ang kanyang ina.
“Hoy, Jhun-Jhun! Aba’y talagang gusto mong araw-araw kang nahuhuli sa pagpagsok. Gustong-gusto mo talagang salubungin ang trapik!” Tawag ng kanyang ina kasabay ang sunod-sunod na katok sa pinto. “Jhun-jhun! Jhun-jhun! Hindi na kita gigisingin lintak kang bata ka! 5:30 na! Bumangon ka na!”
Napamulagat siya mula sa pagkakaupo sa gilid ng kanyang higaan hawak ang celfon na natuluan ng kanyang panis na laway.©
* Dagli na naisulat noong ika-29 ng Pebrero, 2020.
Walang komento: