Pakinggan ang 'The Anthem of the Heart'

Pakinggan ang 'The Anthem of the Heart'

 



Wala sa hinagap ko na paiiyakin ako ng pelikulang ito…tumagos sa puso ko at talagang tinamaan ako.




Sabi ng kapatid ko, musical daw ito pero hindi ko inasahan na maapektuhan ako nito. Naiyak ako. Tumulo pati uhog ko. Totoo. 


Siguro kaya ganoon ay dahil sa pakiramdam ko, ako si Naruse. Maraming gustong sabihin pero dahil naisip niyang maaring makasakit ang mga salitang kanyang sasabihin kaya mas pinili niya na manahimik at hindi magsalita. Hinayaan niyang makulong sa kaisipan na kapag nagsalita siya ay sasakit ang tiyan niya dahil sa binuo niyang imaginary egg na sinabi niyang sumumpa sa kanya.

Para bang babalik ka sa panahong nag-aaral ng high school at ang mga pagkakataon na tinatanong tayo ng ating mga magulang ngunit hindi natin maisatinig ang mga gusto nating sabihin…hanggang sa hindi nila maintindihan kung bakit hindi tayo nagsasalita. Hanggang sa magagalit sila at tayo naman ay makakaramdam ng takot o kaya galit dahil hindi natin masabi ang gusto natin.

Tila masaya ang simula ng kuwento pero agad din itong nagbago dahil na rin sa mga tila ba siya ang sinisi ng kanyang nanay sa nangyari sa kanyang pamilya. Isa itong pelikula na nagpapakita ng mga pinagdaraanan ng mga anak na mula sa broken family. Ipinakikita ang kanilang paraan ng pag-iisip. Ang kanilang saloobin.

Ako bilang magulang at isa ring anak ay naka-relate. 

Bilang magulang, bigla kong naisip kung pinakikinggan ko ba ang aking anak. Nalalaman ko ba ang saloobin niya o baka naman ako lang ang salita nang salita at hindi naghihintay ng sagot mula sa kanya.

Bilang anak, naramdaman ko ang hirap ng damdamin na hindi mapakinggan. 



Nabigyang pansin din ang nagbibigay kulay sa buhay ng mga mag-aaral ang pagkakaroon ng crush o hinahangaan na maaring makaapekto sa ating pagkatao ngunit maaring maging dahilan ng ating pagbabago. Katulad ng pagkakaroon ng pagtingin ni Naruse Jun kay Sakagami Takumi na naging dahilan upang magawa niya ang mga gusto niya.


Naipakita rin ang naidulot ng pinagawang proyekto ng kanilang guro na si Kazuki joshima na nagtalaga sa kanila kasama si Natsuki Nito at Tasaki Daiki na manguna sa Charity Committee. Siya ang naging daan upang parehong mailabas ni Naruse at Sakagami ang kanilang mga saloobin na matagal na nilang itinatago.

Isa sa mga bahagi na labis ang tulo ng aking luha ay ang pag-awit ni Naruse sa huling bahagi. Nasapul ako. Ang husay lang ng pagkakabuo ng kuwento… ng mga awitin na mula sa mga nararamdaman ng mga pangunahing tauhan. 

Masasabi kong simple lamang ang mga pangyayari sa pelikula ngunit tiyak na tatapikin nito ang ating emosyon lalo na kung makaka-relate ka sa mga tauhan lalong-lalo na kay Naruse Jun. 

Mula ito sa produksyon ng A-1 Pictures sa direksyon ni Tatsuyuki Nagai at isinulat ni Mari Okada. (*^_^)

Pahabol: May live action na rin ito at narito ang trailer.


Photo Credit:
https://upload.wikimedia.org/wikipedia/en/e/e4/The_Anthem_of_the_Heart_poster.jpeg
ScreenCap 

Walang komento:

×

Translate

Pageview

Latest Posts

Tagasubaybay

Follow me