Hindi madaling magdalang-tao at manganak.
Hindi madaling mag-alaga ng sanggol at palakihin ito.
Hindi rin ganoon kadali mag-asikaso sa bahay at magluto ng pagkain para sa pamilya.
Hindi rin ganoon kadaling magbudget ng kakarampot na kinikita ng asawa na kung minsan ay pinapalagay pa na ginagastos sa iba.
Hindi rin ganoon kadaling iwanan ang mga anak sa kamay ng ibang tao para makapaghanapbuhay.
Hindi ganoon kadali ang maging isang ina.
Madalas na iniiisp muna ng isang ina ang mga anak kaysa ano pa man. Iniisip nila kung paano nila mabibigyan ng magandang buhay ang mga ito. Paano mapag-aaral sa mga magagandang paaralan... paano tuturuan ng magandang pag-uugali...at marami pang iba.
Hindi pala sapat na nailuwal mo ang iyong anak na malusog kundi kung paano mo mapapalaki ang iyong mga anak ng may mabuting kalooban at may kakayanang makipagbuno sa mga pagsubok sa buhay.
Pinaghahandaan pala ang pagiging isang ina. Hindi dapat ito maging bunga ng mga pagnanasa at sariling kaligayahan at pagkatapos ay iisiping isang malaking problema ang kanyang mga anak. Ito'y dapat na pinaplano at hindi dinadaan sa padalos-dalos.
Marami na ring mga nanay sa ngayon ang nagtratrabaho sa pagnanais na mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga anak ngunit ang nagiging kapalit naman nito ay ang umiikling panahon para sa mga ito. Kaya naman kung minsan, naibigay na ang lahat sa anak ngunit ang layo naman ng loob nito sa nanay.
Sa mga pagkakataong nagkakasakit kanilang mga anak ginugusto nilang akuin anng karamdaman nito. Mas inuuna nilang isipin ang kalusugan ng kanilang anak o kaya naman kapakanan ng mga ito. Kapag kakaunti ang pagkain sa hapag nandoon sila para unahin ang kumakalam na tiyan ng mga anak. Minsan naman bumibili sila ng mga bagay para sa kanilang mga anak kahit sila ang may pangangailangan. Ganoon nga siguro mag-isip ang isang ina.
Kapag dumarating sa punto na napagsasabihan at napapalo nila ang kanilang mga anak, lihim silang nasasaktan at umiiyak dahil sa hindi naman talaga nila gustong masaktan ang mga ito. Sila kung minsan ang tagapagtanggol ng kanilang mga anak sa kanilang mga asawa o kaya nama'y tagasalo ng problemang kinakaharap ng mga ito. Nakalulungkot mang isipin, ngunit maraming pagkakataong palihim na umiiyak ang isang ina dahil sa kanyang mga anak... sa kanyang pamilya. At madalas, hindi ito napapansin ng kanyang asawa o mga anak.
Napagtanto kong hindi nga ganoon kadali maging isang ina. Bilang isang ina na rin sa ngayon, masasabi kong hindi talaga biro ang maging isang ina. Hindi man pare-pareho ang paraan ng pagpapalaki ng ating mga nanay sa atin at iba rin ang paraan nila ng pagmamahal sa atin pero isa sa dapat nating isaisip na sila ang nagluwal sa atin at minamahal nila tayo sa paraang alam nila.
Hindi man sila perfect, mas magandang i-appreciate natin sila bilang sila dahil napatunayan kong hindi madaling maging magulang lalo na ang maging Nanay. (*^_^)
*Ang mga larawan ay screenshot mula sa K-Drama na
Go Back Couple at Reply 1988.
Walang komento: